Administrasyong Duterte, Kontra sa Ilegal na Droga!
- Rea Mae F. Andaya
- Sep 17, 2016
- 2 min read

Sa panahon ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang hindi ko malilimutan maging ng ating kababayan ay ang pangakong susugpuin ang illegal na droga.
Isa sa mga pangakong ito ang nagbigay pag-asa sa ating lahat. Marami ang natuwa sa pagkakaroon ng katuparan ng kanyang pangako sapagkat marami nang buhay at kinabukasan ang nasira dahil sa paggamit ng droga. Buong pwersang umarangkada ang administrasyong duterte kontra sa illegal na droga. Namangha at nagulat tayo sapagkat sa mga lungsod, sa Metro Manila, at mga bayan sa lalawigan ay naging masipag sa pangangampanya kontra droga ang mga tauhan ng Philippine National Police o PNP.
Bilang isang mamamayan, at Pilipinong nagmamahal sa sariling bansa ako ay sumasang ayon sa pagbabagong ipinapatupad ng ating Pangulo. Araw-araw na naging laman ng balita sa telebisyon at radyo ang mga pagpatay, pagsuko o paghuli sa adik ng ilegal na droga. Sa aking napansin, mahihirap ang pinaka-biktima sa paglaganap ng droga kung kaya’t marami ring mahihirap ang patuloy ang pagkawasak ng buhay. Kaya’t ang paglinis sa basura ang tanging pangarap ng ating pangulo na masolusyunan. Tunay ngang napakarumi ng ating bansa kaya kailangang linisin. Maraming kabataan ang hindi na nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa bisyong shabu. Dapat ngang mamatay ang mga nagkakalat ng droga sapagkat talamak na ang problemang ito at naghahatid ng takot. Dahil rito, maraming buhay ang nadadamay maging mga inosenteng mamamayan.
Ang droga ay hindi lamang pumapatay kundi sumisira ng buhay. Ang mga kabataang lulong sa droga ay pinapanawan nang bait at kung anu-anong buktot ng krimen ang nagagawa. Kaya ang problemang ito ay malaki ang pananagutan sa kaunlaran ng bansa. Paano natin mapapaunlad ang kabuhayan kung ang isang bansa ay winawasak ng droga?

“Change is coming” mga katagang bumuhay sa ating loob, nagbigay ng pag-asa na makamit ang tunay na pagbabago at hinahangad na kaunlaran sa ating bansa. Patuloy tayong umaasa na makamit ang kaunlaran at masugpo ang krimen. Kaya tama lang na gawing prioridad ni Pangulong Duterte sa sandaling siya ay maluklok sa tungkulin na pagtuunang pansin muna ang pagsasaayos sa peace and order sa bansa na ang unang-unang sumisira ay ang mga mangangalakal ng droga.
Hunyo 30, 2016, araw na itinalagang presidente ng Pilipinas si Pangulong Duterte. Nanumpa at nangakong makamit ang tunay na pagbabago bagkus naniwala tayo na kaya niyang pamunuan ang ating bansa. At nasaksihan naman natin na dahan-dahang nababawasan ang mga taong gumagamit, nagtutulak, at lumilikha ng droga sa loob ng maikling panahon lamang. Ngunit marami pa ring nagsasabing mali ang pamamalakad ng ating Pangulo. Maraming mamamatay sa kanyang pamamaraan, maraming naulilang bata dahil nawalan ng magulang at maraming pamilya ang nawasak. Lahat ng ito ay may katotohanan. Ngunit huwag nating isisi sa ating Lider ng bansa ano man ang kahihinatnan ng kanilang ginagawa. Dahil simula pa lamang, tayo ang pumili sa ating landas na tinatahak, tama man o mali. Basta’t matuto lamang tayong sumunod sa lahat ng ipinapatupad ng gobyerno, ang krimen at droga ay masusugpo na. Ang pagbabago ay dumating na.
Comentários